Koreksiyon sa Depresyon
Madalas ang problema na sumasalubong sa ating buhay. Dahil na rin sa samu’t saring mga kadahilanan at mga salik na nag-iimpluwensiya rito, tumatambak ito sa emosyonal na kapasidad ng isang tao. Ang bigat na nararamdaman umano ng mga taong may problema ay makakaapekto sa galaw ng kanilang buhay. Marahil ang tanging paraan upang malagpasan ang mga ito ay ang harapin ito. Ngunit hindi naman rin ito sapat para sa pagsasaayos ng diwa ng isang tao. Kapag hindi napigilan ng maigi ang kabigatan ng problema at nagsimulang masabak sa paglumbay, isa itong inklinasyon na ang tao ay mayroong depresyon. Ang depresyon ay isang kundisyon sa pag-iisip na nakakaapekto sa kung paano mag-isip at magdamdam ang isang tao. Ang kadalasang sintomas ng kundisyong ito ay ang madalas na pagkalungkot, pagkawala ng interes sa mga bagay, pagkawala ng gana, hirap sa pagtulog, mababa ang tingin sa sarili, at iba pa. Madalas nating nadadaanan ang terminolohiyang ito sa mga paalalang ihinahayag sa social media, m...