Manunulat ng mga Mamumulat
Sino ba ang dapat habagan: ang piping may pinag-aralan o ang bibig na mangmang?
Ibig ng mga dayuhan noon na sakupin ang Pilipinas sa mga tunay nitong eredero. Dahas ang nagpaliyab sa labanan datapuwa’t sa gitnang kahirapan at karahasan, hinatak ni Dr. Jose Rizal ang mga mapanlinang sa pamamagitan ng kanyang mga salita. Iniwan niya ang mundo na may bakas, binigyan niya ng bukas ang kabataan, tinagos niya ang kahalagahan ng papel at pluma sa isipan ng bawat isa at isinulat niya mula rito ang ating kalayaan.
Naniwala si Rizal na ang pag-asa ng bayan ay umiindayog sa palad ng pangkasalukuyang henerasyon. Kaya ano pa ba ang pakinabangng kabataan ngayon kundi iukit ang kalayaan ng susunod na henerasyon mula sa kurba at tuldok ng makatotohanang pamamahayag? Kabayanihan. Utak. Dahas. Panulat. Kamalayan.
Ang kamalayan ng bansa ay hindi lamang nagmumula sa tulis ng espada o sa tutok ng baril kundi sa tuldok din ng isang panulat mulasa kamay ng isang batang Juan dela Cruz na may pagmamahal sa kanyang Inang Bayan. Siya ay tumutuligsa sa anumang isyung ikinakaharap ng bansa kabilang ang kuwento ng mga anak ng Pilipinas mula sa komunidad na gumagapang sa kahirapan.
Mga salita ang ipaglalandakan niya para sa kalayaan ng mga inaapi at pluma ang tatalasin niya para sa bawat Pilipinong uhaw sa mga balita ng hustisya. Ang bawat batang manunulat at ang libo-libong Juan dela Cruz na nagnanais maglingkod sa bayan ay may kakayahang magbigay-boses sa mga taong hindi nakakapagsalita at magbigay-pananaw sa mga taong bulag sa anumang may katuturan.
May kapintasan ang isang pipi at ang isang mangmang datapuwa’t mas nakahahabag ang isang bayang may paniniwala ngunit hindi pinaglalaban. Ang mga batang Juan dela Cruz ng makamodernong henerasyon ang siyang magwawagayway sa kung anong nasimulan ni Dr. Jose Rizal at kung anong ipinaglaban ng mga naunang bayani. Sila ang magpapamalas sa kahalagahan ng magkadugtong na kalayaan at kamalayan sa masang kulang sa muwang at sa lipunang puno ng tanong.
Sapagkat kung hindi sa tulong ng mga batang mamamahayag, pasasaan pa ang pinaglabang kinabukasan at kalayaan kung balot ang mga Pilipino sa piring ng kawalan ng muwang at pagkamangmang? Pasasaan pa ang bansang Pilipinas kung ang bawat pulo nito ay binunuo ng mga komunidad ng pipi, mangmang, at bulag sa katotohanan?
Sino na ang dapat habagan: ang mga batang manunulat o ang hindi kailanman mamumulat?
Comments
Post a Comment