Taas Noo sa Guro
Ang tanglaw sa gabing madilim, ang perlas sa malawak na karagatan, at ang bayani ng paglalakbay sa buhay. Sisikat ang araw, malalanta ang mga bulaklak, hahangin ng malakas, matutuyot ang tubig sa batis, muling magdidilim, ngunit kailanman hindi matatapos ang obligasyon ng isang guro sa libu-libong estudyante na kanyang tinuruan, tinuturuan, at tuturuan.
Sa likod ng masayang mukha ng guro sa ating harapan ay ang mga pawis at luha ay makikita. Sa bawat aklat na binubuklat ay may nakatagong pait at hirap na pinagdadaanan. Sa bawat leksyon na itinuturo ay nakatago ang isang butil ng karunungan. Binubuo nila ang araw at gabi maihanda lang ang mga aralin. Wala silang ibang hinahangad kundi ang maabot ang ating mga pangarap. Sila ang mga guro na nagsisilibing ikalawang magulang, tinuturing nating bayani dahil ang tunay na bayani ay walang ibang hinahangad kung hindi ang wastong kaalaman, karunungan, at asal para sa ikabubuti ng karamihan.
Bilang isang pagpupugay at pagbibigay-halaga sa kanilang kontribusyon, ipinagdidiriwang ang araw ng mga guro tuwing buwan ng Setyembre. Ito ay isang pagkilala sa kanilang kontribusyon na malinlang, magbigay-kaalaman, at humubog sa isang mag-aaral. Isang mabigat na hamon ang pasan lagi ng mga guro tuwing sila’y pumapasok sa silid-aralan. Sila ang naghuhulma sa bawat indibidwal para maging edukado at kapaki-pakinabang na mamamayan. Sila ang haligi ng ating komunidad. Sila ang nagbibigay ng bawat kuntil-butil ng kaalaman na ating kalasag sa pagharap sa hamon ng buhay.
Higit pa sa mga proyekto at aralin na kanilang ibinibigay, sila ay nagbibigay rin ng daan upang ating makamit ang minimithing tagumpay. Sa panahon na gusto na nating sumuko ay nandiyan sila para sabihin sa atin na, “Kaya mo yan!”.
Sa anumang laban, sila ang tutulak sa atin upang abutin ang tugatog ng ating tagumpay.
Comments
Post a Comment