Koreksiyon sa Depresyon

Madalas ang problema na sumasalubong sa ating buhay. Dahil na rin sa samu’t saring mga kadahilanan at mga salik na nag-iimpluwensiya rito, tumatambak ito sa emosyonal na kapasidad ng isang tao. Ang bigat na nararamdaman umano ng mga taong may problema ay makakaapekto sa galaw ng kanilang buhay. Marahil ang tanging paraan upang malagpasan ang mga ito ay ang harapin ito. Ngunit hindi naman rin ito sapat para sa pagsasaayos ng diwa ng isang tao.

Kapag hindi napigilan ng maigi ang kabigatan ng problema at nagsimulang masabak sa paglumbay, isa itong inklinasyon na ang tao ay mayroong depresyon.

Ang depresyon ay isang kundisyon sa pag-iisip na nakakaapekto sa kung paano mag-isip at magdamdam ang isang tao. Ang kadalasang sintomas ng kundisyong ito ay ang madalas na pagkalungkot, pagkawala ng interes sa mga bagay, pagkawala ng gana, hirap sa pagtulog, mababa ang tingin sa sarili, at iba pa.

Madalas nating nadadaanan ang terminolohiyang ito sa mga paalalang ihinahayag sa social media, maging na rin sa mga personal na mga tagpo. Dahil sa pagkilala sa kundisyon na ito, marahil na itinuring na ito ng mga tao bilang isang estadong karaniwan nang nasasalubong ng mga tao.

Ang tao ay may kaugaliang gamitin ang mga terminolohiyang na palagay nila’y angkop ngunit hindi naman. Minsan dahil sa maling paggamit ng mga salitang ito, hindi natin maiiwasan ang ‘di pagkakaintindihan at pagkalito. Ito’y marahil hindi nila nauunawaan ang kahulugan ng sakit na ito. 

Halimbawa, kapag ang isang tao ay nakaramdam ng sobrang lungkot, agad nila itong tatawaging “depresyon”. Hindi nila isinasaisip na ang sakit na ito ay nagaganap kapag patuloy at walang pinagbago ang nararamdamang lungkot ng isang tao.

Ang problemang ito ay tuluyang maiiwasan kapag tuturuan ang mga tao sa tamang mensaheng ipinapahiwatig ng mga terminolohiya. Hindi ibig sabihin na malungkot ang isang tao ay matatawag na itong “depresyon”.

Sa sarili magsisimula ang pagtuturo. Sa kaalamang ito, maaari nating turuan ang mga tao upang maitama nila ang mga terminolohiyang ginagamit nila. Kapag naisakatuparan ang hangaring ito, mas mabibigyang linaw ang isyung ito at maitama ang mali.

Ang depresyon ay isang seryosong paksa. Dapat itong ilinaw at bigyang pansin upang matulungan ang mga taong naaapektuhan ng kundisyong ito.

Comments